Ikaw ba ay naging tagapangalaga ng kalikasan?
Ang kalikasan ay sadyang ipinagkaloob sa atin ng Poong Maykapal bago tayo nilalang upang makatulong sa ating pang-araw-araw na pangangailangan dito sa mundo. Ang mga puno at halaman na nagbibigay sa atin ng sariwang hangin. Ang dagat na kung saan nabubuhay at tumitira ang mga isda at lamang-dagat na pinakikinabangan natin. Ang mga kabundukan na pinagkukuhanan natin ng mga punongkahoy na nakakatulong din sa atin. Ngunit, sa kabila ng mga biyayang tinatamasa natin mula sa kalikasan, kinalimutan na natin na mayroon din tayong tungkulin sa ating kalikasan. Pinababayaan natin ang pangunahing pinagkukunan natin ng ating ikinabubuhay. Pinutol natin ang mga punongkahoy sa halip na magtanim. Ito lamang ang tanging tinitirhan at pinagdadapuan ng mga ibon, nakapagbibigay rin ito ng lilim sa mga hayop. Hindi lang ang punongkahoy ang unti-unting nauubos pati na ang mga buhay ng mga ibon na dapat sana tulungan nating dumami ang mga lahi. Nakapagdudulot pa ito ng pagbaha at pagguho ng lupa. Gumamit rin tayo ng paraang nakakapinsala sa buhay ng mga isda tulad ng dinamita at di-kuryente na paghuli na naging dahilan ng pagkamatay ng mga maliliit na isda. Sinusunog din natin ang mga plastik at iba pang basura na dapat sana gamitin ulit at pwede rin gawing organic fertilizer upang mapapakinabangan pa ng ating mga tanim. Hindi niyo ba alam, na ito ang dahilan ng unti-unting naninipis ang ating ozone layer? At ngayon, nararanasan natin ang matinding init ng araw. Hindi lang kayo ang maaapektuhan, hindi lang ako, kundi tayong lahat dahil wala sa isa sa atin ang makapagliligtas kapag kalikasan na ang gumanti. At sa bandang huli tayo rin ang magsisisi.
Kailan pa tayo mamulat? Kung huli na ang lahat? Naging tagawasak tayo ng kalikasan sa halip na tagapangalaga. Nararapat na kumilos na tayong lahat habang may natitira pang yaman ang ating kalikasan. Huwag natin ipagwalang-bahala ang ating inang kalikasan. Isipin natin ang mga darating na henerasyon na maaaring wala ng makitang punongkahoy, walang sariwang hangin na malalanghap at wala ng mga ibon na makikita sa paligid.Buksan natin ang ating isipan at magnilay-nilay sa ating paligid. Tayo'y magkaisa at magtulungan tungo sa hangad nating pagbabago. Harapin natin ang ating mga tungkulin na bukal sa ating kalooban bilang tagapangalaga ng ating kalikasan.